Monday, June 06, 2005

MENS/

Nagising akong duguan
Pula ang higaan
Hindi ito kagulat-gulat
Suspetsa ko na ng ilang araw
Parating na ang panahon ko

Ilang araw ng nanghihina
Hindi maitago ang kumukulong galit sa katawan
Hindi na makatiis at ipinaagos
ang kinikimkim na inis
Inis sa sarili
Inis sa init
Inis sa mundo
Lahat lumabas
Ang poot ay tumagos

Duguan at ayaw na muling bumangon
Duguang tumayo kahit hindi gusto

Diretso sa lababo
Inulublob ang kumot sa tubig
Nilagyan ng detergent ang mantsa
At nagkula
nagkula
nagkula
Hanggang pumuti ang kanina lang ay pula

Kay sarap ng pakiramdam
Parang may munting himala
Naganap sa kamay
Dama ng mga daliri
Kita ng mga mata

Wala na bang natirang mantsa?
O muli pa akong magkukula?

Pagkatapos ng lahat
hindi napansin
may bahid pa rin pala
Hind kasi ganun kadali
Linisin ang duguang damdamin


No comments: