Thursday, May 26, 2005

KABLAAAMMM!/

Minsan gusto ko sanang lumulon ng bato at sumigaw ng, “Darna!” Sa dami nang nais kong makamtan sa buhay na ito, feeling ko na kailangan kong maging isang superhero. Ang mga aspirasyon ko ay hindi bagay sa mortal na may pag-aalinlangan sa sariling kakayahan. Kapag tinapatan ka ng higanteng ambisyon, dapat ang dibdib mo ay mas matibay pa sa konkreto (tulad ng batong mama sa Fantastic Four!). Hindi lang matipunong katawan ang kailangan, dahil dapat mabilis ka ring kumilos. Para kasing kapos lagi ang panahon sa dami ng gagawin sa listahan ko. Siguro kung faster than a speeding bullet ako, kakayanin ko ang lahat.

Pero, hindi. Tao lang po.

“It’s a bird, it’s a plane, it’s me!”, ang sabi ng boses
sa loob ng ulo ko. Tapos biglang tingin sa camera sabay ngiti at kaway. “KABLAAAMMM!”. Dahil sa aking extreme vanity, hindi ko napansin ang poste ng Meralco sa aking daan. Sa aking pagkahilo, inisip ko, “Teka… teka… saan nga ba ako papunta?”. Sabay kamot sa ulong may bukol.

Siyet pare. Marami na rin akong nadaanang paghihirap sa paglalakbay ko, ngunit hindi ko pa rin masasabi kung saan ba talaga ako patungo. Marami akong kilala na katulad ko, nag-mimistulang superhero. Lahat sila ay masikap at matalino, lahat sabik na maiukit ang pangalan sa langit. Alam nila ang nais nilang makamtan. Ngunit kapag nandoon na sila sa rurok ng tagumpay, masasabi ba nilang masaya sila?

Ang ambisyon kasi ay parang isang mahabang hagdanan. Kapag nakatungtong ka na sa first level, makikita mo ang second level, at sa second level, makikita mo ang third. Tuloy tuloy na yan dahil walang katapusan ang aspirasyon ng tao. Grade 1 pa lang ako noong itinanim na sa utak ko ang kasabihang, “aim for the stars!” at, “dream big!”. Bakit ganun, hindi ba dapat ang itinatak nila sa isipan ng mga bata ay, “Be happy no matter what happens!” o kaya, “Matutong makontento”. Lumaki tayong naniniwala na dapat lagi tayong may gustong abutin. May mali sayo kapag masaya ka sa iyong kinaroroonan. Pero kahit naman siguro si Superman ay mapapagod din sa pag-akyat ng hagdanang walang hangganan.

Sa mga fellow superhero wannabes ko sa mundo. Sana mapag-isipan natin kung saan nga talaga tayo papunta. Baka kasi sa sobrang taas ng paglipad, makalimutan nating lumingon sa baba at bigyang halaga ang narating na. Baka tuluyan na nating makalimutan maging masaya sa kasalukuyan.


Sa sobrang pagtitingala, baka mabigla tayo ng posteng nasa harapan. At dahil tao lang tayo, hindi lang siguro bukol ang mapapala natin.

No comments: